Reading, Writing, Walking
Wednesday, September 10, 2008
 
Ang Pagbabalik sa Caticlan

Naglayon akong magtungo sa Camiguin pagkatapos ng aking maikling bakasyon sa Caticlan pero pinigil ako ng aking pilay sa tuhod. Kinailangan kong magtungo sa ospital halos araw-araw upang magpa-physical therapy. Ayon sa aking physical therapist, maaari naman akong magbiyahe basta hindi ako maglalakad masyado. Sa tinuran niyang ito, naging masigasig akong sundin ang lahat ng mga bilin ng aking manggagamot.

Kaya naman napakahirap para sa akin ang desisyong huwag tumuloy. Kung sakali, ito kasi ang aking unang pagkakataong magtungo sa Camiguin. Hindi ko matutukoy kung gaano karaming lakaran ang magaganap. Magkakalayo pa mandin ang mga gusto kong puntahan. Mas mainam kung ipapahinga ko ang aking tuhod at umasang kakayanin ko na sa susunod na linggo. Natapos ang aking therapy dalawang linggo makalipas.

Ang kalikasan naman ang humadlang noong sumunod na linggo. Kahit na lakbay na lakbay na ako, makakabuting tumigil na lamang ako sa bahay sa aking rest days. Idagdag pa natin ang umpisa ng klase sa pamantasan. Naatasan agad akong maghanda ng presentasyon para sa isang klase sa susunod na linggo.

Naging bakante ako, sa wakas, noong huling linggo ng pagkabisa ng aking adventure pass. Nagpa-book ako ng lipad sa aking rest days. Pinaalalahanan ako ng isang kawani sa kanilang tanggapan na isang araw lamang ang maaari kong gamitin. Wala akong nagawa kundi magpa-book ng lipad pabalik sa Caticlan nang ika-walo ng umaga at pauwi sa Maynila nang ika-lima ng hapon. Kung ibabawas ko ang oras na ilalagi ko sa paliparan, masasabing anim na oras lamang ang aking bakasyon. Nakakabitin kung iisipin pero inisip ko na lamang na hindi lahat ng tao ay may ganitong pagkakataon upang masilayan ang kagandagan ng naturang isla.

Natatandaan kong napanood ko sa bus ang isang episode ng Extra Challenge bago ako tumulak. Dahil tinawag nila itong “Walang Liguan sa Boracay Challenge”, ang mga kalahok tulad nina Jen Rosendahl at Mickey Ferriols ay hindi maaaring maligo sa loob ng dalawang araw. Ilan sa kanilang mga pagsubok ay magpaunahang matunaw ang isang piraso ng mantikilya sa kanilang tiyan at paggamit ng hilaw na itlog bilang volleyball. Tunay na napakahirap nito kung ganoon kalalagkit ang dadapo sa iyong katawan. Lalo na kung sadyang mapanukso ang paglapit ng mga alon sa buhangin.

Ang palabas na ito ang nagsilbing inspirasyon ko upang hamunin ang aking sarili ng “Walang Banlawan at Walang Kainan sa Boracay”. Dapat kong igugol ang aking maikling panahon sa paglangoy at pagpapa-tan lamang! Ang pagligo naman ay sa Makati na magaganap. Hindi ko na kailangang maghanap ng matutulugan kaya posible naman ito. Ang pag-iwas sa pagkain? Ito ang tunay na hamon! Naisip kong kakayanin ko naman kasi hindi ko na maaabutan ang pagbukas ng buffet sa Station 3. Marami akong kinain bago lumipad bilang paghahanda rito. Kahit na batid kong papansin at marupok sa tukso ang aking tiyan, umaasa akong mananaig pa rin ang aking hangaring manalo.

Sa pagkakataong iyon, naging madali ang aking pagtungo sa isla mula sa paliparan. Natatandaan ko pa ang daan. Naging magaan ang lahat, tila wala akong baong agan-agam. Kumpara sa aking unang biyahe, isang see-through beach bag lamang ang aking dala. Tuwalya, sarong, damit na pampalit, cellphone at pitaka lamang ang aking dala. Naka-tankini at bikini na ako sa ilalim ng aking puting t-shirt at capri pants. Subalit, nalimutan ko pa ring magdala ng ponytail. Kailangan ko ito sa aking paglangoy upang hindi bumuhaghag ang aking buhok pagkatapos. Dahil dito, sa talipapa ang aking unang destinasyon sa isla.

Masyado pa yatang maaga para sa talipapa. Hindi pa bukas ang karamihan ng mga tindahan. Medyo natagalan ako sa paghahanap ng mabibilhan ng ponytail. Sa katunayan, hindi ko labis na naibigan ang disenyo ng aking nabili. Kailangan ko lamang talaga.

Nakunsensiya akong lisanin ang naturang pamilihan nang walang binibiling pasalubong. Wala talaga akong balak mag-uwi. Sariwa pa sa aking damdamin ang hinanakit sa aking nanay. Natagpuan ko kasi ang inuwi kong malaking bag para sa kanya sa aking silid. Inunahan ko na rin ang aking mga kaibigang huwag umasang makakapagdala ako ng pasalubong dahil nagtitipid ako. Pinilit kong kalimutan ang sumagi sa aking diwa. Hindi dapat makaramdam ng kalungkutan sa aking bakasyon!

Dinala ako ng aking mga paa sa Station 1. Mas gusto ko kasi ang buhangin doon kaya minabuti kong doon magtampisaw. Naghanap ako ng banyo upang makapaghubad ng damit. Naglatag ako ng sarong, nagpahid ng tanning lotion at tumakbo sa tubig-dagat upang maglublob. Napansin kong puro lumot ang nakalutang sa tubig. Ang tabing-dagat nama’y tadtad ng mga basura. Ang salaula naman ng mga turistang nauna sa akin!

Maya maya’y bumalik ako sa aking sarong upang magbilad. Tulad ng nakagawian, naghukay muna ako ng ilang dipa ng buhangin upang hindi mahirapan ang aking dibdib. Mataas na ang araw kumpara sa nakaraan kong pagpapa-tan. Umasa akong mas magiging madali ang lahat. Ang aking adhikain bago umuwi? Magpa-itim. Iyong tipong isusuot na lamang ako sa plastik, daing na ako.

Tulad ng dati, halinhinan ang paglangoy at pagbilad ko. May pagkakataong nakakarinig ako ng bulong na magsadya muna sa Jonah’s bago bumalik sa aking puwesto sa buhangin. Pero hindi ako nagpa-alipin sa tinig na iyon.

Nang tanghali na, nahalata kong lumalakas ang puwersa ng tubig. Hindi ko na kailangan pang umahon, dinadala na ako ng alon sa buhangin kahit labag sa kalooban ko. Kahit kapag nasa tabing-dagat lamang ako, napapaatras ako sa lakas ng pagtulak sa akin. Minsan pa’y hinahampas ako ng mga lumot, kahoy at mga basurang lumulutang dito. Hindi ko ito ininda. Matagal-tagal din akong nasabik sa Boracay. Hindi ako aalis.

Pero nakuha ko ring umalis. Hindi ko matiis ang kalam ng aking sikmura. Nagtungo ako sa isang kainan upang pawiin ang aking gutom. Tinanong ng kahera ang aking pangalan pagkatapos kong um-order, mukhang ililista niya sa aking resibo. Natigilan ako nang sandali at sumagot, “Vivian”.

Habang nasa hapag, bigla kong naalala sina Cherry at Alex. Kamusta na kaya sila? Nasa isla pa rin kaya sila o bumalik na sa Iloilo? O baka naman sa Maynila? Nagdalawang-isip ako kung papadalhan ko sila ng mensahe. Natakot akong baka pilitin nilang puntahan ako kung naroroon pa sila. Masaya pa mandin akong walang kasama. Pero nangibabaw pa rin ang hangad kong mangamusta. Ipinaalam ko sa kanilang kasalukuyan akong nagpapakabusog sa isla. Wala akong natanggap na tugon.

Hindi roon nagtapos ang utos ng aking tiyan. Bumili rin ako ng chocolate-peanut milkshake. Hindi ko pa ito nasusubukan. Huli na nang maalala kong naiwan ko ang bote ng Jonah’s nang nakaraan kaya dapat nagpa-takeout ako upang magkaroon ng bagong bote. Nakakaulol kasi ito sa sarap! Papasok pa lamang ako, tinakasan na ako ng aking diwa.

Matapos nito, nagsadya ako sa isang banyo upang buhusan ang mga buhangin sa aking mukha, dibdib, hita at sa iba pang bahagi ng aking katawan. Pandaraya ba ito? Hindi naman ako naligo. Nagpalit na rin ako ng damit. Muli kong sinuot ang aking capri pants at sinuot ko ang baon kong itim na t-shirt.

Hindi ganoon kadaling tanggaping malapit na akong umuwi. Naglakad-lakad ako upang pagmasdan muli ang buong isla. Napansin kong kakaunti na ang mga turista kumpara sa una kong pagdalaw. Palibhasa’y patapos na kasi ang Hunyo noon. Nakakasunog ang sikat ni Reynang Araw. Matatandaang maraming pumigil sa aking tumulak sapagkat halos bahain na ang Makati sa lakas ng ulan kagabi. Buti na lamang at hindi ako nagpaawat. Hindi rin naman sigurong masama kung uulan sa Boracay. May nabasa ako sa isang in-flight magazine kung saan may isang banyagang sa isla nakatira na nagwikang higit na kaaya-aya ang kulay ng karagatan ng Boracay kapag tag-ulan. Higit pa roon, matagal na akong hindi nakakaligo sa ulan. Walang kapantay ang malayang pakiramdam na nakakamit ko kapag ginagawa ko ito kasama ng aking mga kapatid. Tunay na nangungulila ako sa ganoong pagkakataon.

Natigil ang aking balintataw nang masilayan ko ang isang grupo ng mga batang naglalaro sa buhangin. Hindi sila bumubuo ng kastilyo. Tila gumagawa sila ng aquarium. Nasa lumang lalagyan ng ice cream ang mga maliliit na isda. Nakatunghay sila rito. Ang ilan naman ay tila nangingisda upang makapagdala ng bagong isdang ilalagay rito. Hindi ko man nauunawan ang kanilang sinasabi, batid kong naaaliw sila sa kanilang ginagawa.

Tumatak din sa aking isipan ang mga kumpanyang ginamit ang mga bangka bilang pagkakataon upang iendorso ang kanilang produkto. May namataan pa akong bangka na ang disenyo ay kawangis talaga ng humps. Pinili kong ibaling sa iba ang aking paningin. Umiiwas ako sa mga alaala ng siyudad!

Subalit dumating na ang takdang oras ng aking pagbabalik. Wala na akong pilay pero tila mabigat ang aking mga hakbang. Sa pagkakataong iyon, naging makatotohanan ang aking pagtanggi sa mga nag-alok na buhatin ako paakyat ng bangka. Nangungusap naman ang aking mga mata sa aking huling tanaw sa karagatan. Matatagalan marahil ang aking pagbabalik.

Hindi naman naulit ang mga pagtatanong ng mga guwardiya ukol sa aking pag-iisa. Pero nagtagal ako sa boarding terminal, hindi pamilyar ang mga kawani sa adventure pass na ipinakita ko. Naturingan pa mandin silang empleyado ng Seair! Ako pa ang nagpaliwanag kung ano ito. Hindi naman napigilan ng isang lalaking usisain kung totoong mag-isa lamang ako. Tumugon ako, baka may nakikita silang kasama ko na hindi ko napapansin. Hindi na ako nagpaunlak ng paliwanag kung bakit pinili kong mag-isa.

Punong-puno ng tao ang loob ng paliparan. Nahuli yata ang eroplanong nakatakdang lumisan bago ako dumating kaya naman siksikan ang mga turista rito. Wala akong maupuan. Sa mga ganitong pagkakataon, hindi ako umaasang may lalaking titindig upang ibigay ang kanyang upuan. Hindi rin naman mabigat ang aking dala kaya hindi na masama. Hindi rin nagtagal, dumating na ang eroplanong kanilang hinihintay. Nakaupo rin ako agad.

Kalahating oras rin ang aking hihintayin bago lumapag ang eroplanong sasakyan ko. Sa pagtatangkang aliwin ang aking sarili, ginamit ko ang aking cellphone upang kunan ng litrato ang aking pulang bag. Alam kong magugulantang ang aking mga kaibigan na makitang kakaunti lamang ang aking dala. Hindi ako natutuwa sa resulta kaya paulit-ulit ko itong ginawa. Dumating sa punto na nilipat ko ang monobloc na naglalaman ng aking bag sa harap mismo, upang maaninag ang eroplanong nag-aabang sa labas bilang background. Nang tagumpay ang aking pagkukuha ng litrato, napansin kong nakatitig pala sa akin ang isang grupo ng kabataan.

Ilang minuto pa! Tunay na nakakainip maghintay. Nakaramdam ako nang panghihinayang, sana’y iginugol ko ang oras sa isla. Pero ayoko rin namang mahuli. Sana talaga ay may kakayahan akong mag-astral travel! Nagpadala ako ng mensahe sa ilang kaibigan upang mairaos ang inip. Kinumpirma ko rin sa isang kaibigang tuloy ang aming lakad nang gabing iyon. Panonoorin namin ang aking paboritong bandang tumugtog sa saGuijo. Ipinagyabang ko rin ang tan lines na ipapakita ko sa madla maya-maya. Natuwa naman siya para sa akin.

Wala akong inaksayang oras nang ianunsiyong maari na kaming sumakay sa eroplanong pabalik sa Maynila. Lubos ang aking pagpapasalamat na nasa tabi na naman ako ng bintana. Magiging abala ako sa aking pagsulyap sa mga islang aming dadaanan.

Dahil hindi ko na maaaring gamitin ang aking cellphone, naisipan kong tignan ang aking sarili sa salamin. Lumuwa ang aking mga mata sa tumambad sa akin. Pulang-pula ang aking ilong at kanang pisngi. Sana man lang pati ang kaliwa para pantay. Pasalamat naman akong pantay ang pamumula ng aking mga mata. Isang himala na walang lumalapit sa akin upang sayisatin kung ako ba ay lango sa alak o humithit ng marijuana. Nagimbal rin ako sa buhanging dala-dala ng anit ko. Isang pagkakamali na magsuot ng itim na t-shirt. Hindi ako nalalayo sa mga modelo ng patalastas na may balakubak kuno! Bigla akong nakaramdam ng kahihiyan. Hindi ako si Lorna. Ako si Vivian!

Nang lumapag na ang eroplano, tumalilis ako sa pagtakbo upang makahanap agad ng taxi. Sabi ko’y kailangan naming humarurot patungo sa aking opisina sa Ayala Avenue sa Makati. Nakarating naman kami. Subalit laking malas ko nang mabatid na sarado ang paliguan. Lumipat ako sa iba naming gusali malapit sa Pasong Tamo. Laking pasasalamat ko nang makaligo na ako sa wakas. Mapula pa rin ang ilang bahagi ng aking mukha, pero umasa akong mas makakatawag-pansin ang nakalitaw kong tan lines. Ako na uli si Lorna. At ako lamang ang makakaisip magpunta sa Boracay sa loob ng anim na oras!


Labels: , ,



Powered by Blogger